Usap-usapan ang makahulugang tanong ni Sen. Kiko Pangilinan hinggil sa kalihim ng Department of Public Works and Highways (DPWH), na mababasa sa kaniyang Facebook post nitong hapon ng Miyerkules, Agosto 20.
Batay sa kaniyang post, tinatanong ni Pangilinan kung bakit hindi pa nagbibitiw sa kaniyang posisyon ang kalihim ng Public Works, matapos ang usapin sa "trilyong pisong halaga ng pagnanakaw sa gobyerno sa ilalim ng public works."
"Sa ganitong katinding trilyong pisong halaga ng pagnanakaw sa gobyerno sa ilalim ng public works, bakit hindi pa nagreresign 'yung Secretary ng Public Works?" mababasa sa Facebook post ni Pangilinan.
Ang tinutukoy niya ay kasalukuyang kalihim ng DPWH na si Manuel Bonoan, na kamakailan lamang, ay humarap sa organizational meeting ng Senate Blue Ribbon Committee, sa pangunguna ng chair nitong si Sen. Rodante Marcoleta.
Matatandaang inamin ni Bonoan na ilan sa proyekto ng Wawao Builders, Inc. pagdating sa kontrobersyal na flood-control projects ay maituturing daw na "ghost" o wala.
"In Bulacan alone, Wawao Builders had 85 projects amounting to 5.9 billion [...] There seems to be some ghost projects,” anang kalihim.
KAUGNAY NA BALITA: DPWH Sec. Bonoan, inaming 'ghost projects' ilan sa flood-control projects ng Wawao Builders!
Dagdag pa niya, “As soon as we are able to fully document actually everything at saka yung nakumpleto na po yung imbestigasyon, then I think kapag napatunayan po na ganito, then we will file all the corresponding cases kahit na sino ang involve po diya.”
Samantala, sinabi naman ni Bonoan sa panayam ng GMA Integrated News na ipinauubaya raw niya kay Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos, Jr ang desisyon patungkol sa kaniyang posisyon, kung kinakailangan niyang mag-leave habang iniimbestigahan ang umano’y katiwalian sa mga flood control project ng ahensya.
“Sa Pangulo ko po iniiwan ang desisyon,” pahayag ni Bonoan sa panayam ng GMA Integrated News’ Unang Balita nitong Miyerkules, Agosto 20, 2025.
Giit pa niya, hindi lamang flood control projects ang kaniyang tinututukan kundi marami pang malalaking proyekto sa DPWH na nangangailangan ng kaniyang pamumuno. “As I said, I leave it to the President po kung anong desisyon po nila,” dagdag ni Bonoan.
KAUGNAY NA BALITA: DPWH Sec. Bonoan, ipinaubaya na kay PBBM kapalaran ng posisyon niya