Mas matindi umano ang negatibong epekto ng online lending apps sa mga Pilipino kumpara sa Philippine Offshore Gaming Operations (POGO), ayon kay Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) Secretary Gilbert Cruz.
Sa ikinasang monthly balitaan forum ng Manila City Hall Reporters' Association (MACHRA) nitong Miyerkules, Hulyo 30, sa Harbor View Restaurant sa Ermita, Maynila, sinabi ni Cruz na mga Pilipino ang mas direktang tinatamaan ng online lending apps.
“‘Yong OLA [online lending apps], sa tingin ko, mas malaki ang epekto nito sa mga Pilipino dahil ang tinatamaan dito e mga Pilipino. Imagine, may mga nagpapakamatay na, nasisirang pamilya,” saad ni Cruz.
Dagdag pa niya, “‘Yong sa POGO kasi, karamihan ang nagiging nabibiktima mga foreign countries, e; hindi mga Pilipino. Dahil scamming, love scam, investment scam.”
Matatandaang sa isang panayam noong Hunyo ay iniulat ni PAOCC Spokesperson Winston Casio ang reklamanong natatanggap ng komisyon mula sa mga biktima ng mapang-abusong online lending apps.
MAKI-BALITA: Abusadong online lending apps, konektado sa POGO —PAOCC
Kilala ang PAOCC bilang ahensyang tumutugis sa POGO. Ngayon naman, tinatarget nila ang mga nasa likod ng online gambling at online lending apps.