Hindi isa, dalawa, o tatlo kundi 16 na abogado ang dedepensa para kay Vice President Sara Duterte sa impeachment trial nito.
Nitong Lunes, Hunyo 16, ibinahagi ni Senate impeachment court spokesperson Reginald Tongol ang kopya ng Appearance – Ad Cautelam kung saan nakasaad dito na ang 16 na abogado ni Duterte ay manggagaling sa Fortun Narvasa & Salazar law firm.
“The undersigned Firm and the lawyers whose signatures appear below, respectfully enter their appearance as counsel for Vice President Sara Z. Duterte without prejudice to any jurisdictional and/or other objections that she may have in this case,” nakasaad sa dokumentong tinanggap ng sekretarya ng Senado, na tumatayong impeachment clerk ng korte.
Narito ang listahan ng 16 na defense lawyers ni Duterte:
1. Philip Sigfried Fortun
2. Gregorio Narvasa
3. Sheila Sison
4. Carlo Joaquin Narvasa
5. Roberto Batungbacal
6. Justin Nicol Gular
7. Lindon Miguel Bacquel
8. David Ronell Golla VII
9. Maria Selena Golda Fortun
10. Claraine Radoc
11. Francesca Marie Flores
12. Miguel Carlos Fernandez
13. Michael Wesley Poa
14. Reynold Munsayac
15. Mark Vinluan
16. Ralph Bodota
Matatandaang noong Hunyo 10 nagkasa ng mosyon ang Senado matapos mapagbotohan ng mga senador na ibalik ang articles of impeachment ni VP Sara sa Kamara dahil umano sa pagiging kuwestiyonable ng mga ito sa Konstitusyon.
KAUGNAY NA BALITA: Botong 18-5: Sino-sino Senator-judges na aprub, tutol sa mosyon nina Dela Rosa, Cayetano?
Noong Hunyo 11 nang magpadala ang Senado ng writ of summons sa kampo ni Duterte, kung saan binibigyan sila ng 10 araw mula sa pagtanggap nito para tumugon sa mga articles of impeachment na ipinadala ng mababang kamara sa Senado noong Pebrero.
Sa isang press conference sa Davao City naman nito ring Hunyo 16, sinabi ni Duterte na nakadepende siya sa payo ng kaniyang mga abogado tungkol sa kaniyang pagharap sa Senate impeachment court.