June 16, 2025

Home BALITA Politics

Batikos at sistematikong atake, 'di sapat para mabigo ang OVP —VP Sara

Batikos at sistematikong atake, 'di sapat para mabigo ang OVP —VP Sara
Photo Courtesy: Screenshot from Inday Sara Duterte, OVP Pilipinas (FB)

Nagawa pang magpahaging ni Vice President Sara Duterte kaugnay sa umano’y natatanggap na mga batikos at sistematikong atake ng kaniyang opisina sa ginanap na 2025 Pasidungog.

Ang Pasidungog ay maituturing bilang pagdiriwang ng kolaborasyon, pagpapahalaga, at pagkilala naging mahalagang bahagi ng mga sumuporta sa itinataguyod ng Office of the Vice President (OVP).

Sa talumpati ng Bise Presidente nitong Lunes, Hunyo 16, sinabi niyang hindi umano naging sapat ang mga pagtuligsa upang mabigo ang OVP sa mandato nito.

“Naging mas mapanghamon ang pagpapatakbo namin ng mga programa na ang pakay ay pagbibigay ng solusyon sa ilang pangunahing suliranin ng mga Pilipino,” saad ni Duterte.

Politics

VP Sara, walang balak kasuhan si Jaeger Tanco

“Ngunit,” pasubali niya, “ang mga batikos at sistematikong atake laban sa OVP ay hindi naging sapat para tayo ay humina, huminto, at mabigo.”

Dagdag pa ng Bise Presidente, “Patunay ang ating pagtitipon ngayon sa tagumpay ng ating pagsisikap para sa mga Pilipino at minamahal nating bansa.”

Matatandaang Pebrero nang i-impeach ng House of Representatives si Duterte matapos pirmahan ng 215 na mambabatas ang ikaapat na impeachment complaint laban sa Bise Presidente.

KAUGNAY NA BALITA: House of Representatives, inimpeach na si Vice President Sara Duterte

Sa kasalukuyan, nasa Senado na ang kaso ni Duterte. Hinihintay na lang ito gumulong bagama’t isa nang ganap na prosecution court ang Senado.

Ito ay matapos makapanumpa noong Hunyo 10 ang mga senator-judge sa pangunguna ni Senate President Chiz Escudero.