Dumulog at nagsampa ng reklamo sa National Bureau of Investigation (NBI) ang social media personality na si Queen Hera matapos niyang mapag-alamang ginagamit ang mga larawan ng kaniyang anak na babae sa isang child pornography website para ibenta.
Batay sa ipinadalang mensahe sa kaniya ng isang concerned netizen, na isa ring mommy, inedit ang mukha ng kaniyang anak at idinikit sa malalaswang katawan.

Nanggalaiti si Queen Hera kaya lalapit siya sa NBI Cybercrime Unit para magsampa ng kaukulang reklamo, lalo't bata pa lamang ang kaniyang anak na babae.
"Sobrang sakit na makita na nakadikit sa mga picture na 'yun ang mukha ng anak mo kahit sabihing edited lang 'yun," saad ni Queen Hera sa kaniyang post.
Nagpaalala naman ang social media personality sa mga magulang na iwasan munang mag-post ng larawan ng anak sa social media dahil baka gamitin sila sa child pornography.