Kinumpirma ni Department of Education (DepEd) Secretary Sonny Angara na tinatayang 165,000 ang kulang na classroom sa buong bansa, na aabutin ng halos 55 taon upang mapunan ito.
Sa isang radio interview noong Biyernes, Hunyo 13, 2025, pinuna ni Angara ang pondong ibinibigay lang sa DepEd—dahilan upang abutin sila ng mahigit limang dekada sa nasabing kakulangan sa mga silid-aralan.
"Sa ganitong budget, aabutin tayo ng 55 taon bago natin matapos ang kakulangan sa mga silid-aralan, saad ni Angara.
Ayon pa kay Angara, nagbabalak ang pamahalaan na makipag-ugnayan sa pribadong sektor upang magkaroon ng pansamantalang solusyon na nasabing problema ng DepEd.
"Ang modelo ay 'build now, lease to government.' Ibig sabihin, magtatayo muna ang pribadong sektor, tapos babayaran ito ng gobyerno nang hulugan ng 10 taon," anang DepEd secretary.
Kaugnay ng nasabing plano, nilinaw rin ng kalihim na walang babayaran ang mga magulang o estudyante kung sakaling ang pribadong sektor ang pansamantalang sumalo sa kakulangan ng mga classroom.
"Walang bayad ang mga estudyante dito. Gobyerno ang magbabayad sa lease, hindi ang mga magulang o bata," ani Angara.
Saad ni Angara, tinatayang nasa 10,000 silid-aralan ang maaaring maipatayo kung sakaling matuloy ang kanilang partnership sa Public-Private Partnership (PPP), malayo sa 10 hanggang 20 classroom lamang kada taon.
"Kung may partnership na, puwedeng makapagpatayo tayo ng 10,000 classrooms sa loob ng isang taon, hindi 10 o 20," aniya.
Ayon sa DepEd, ilan sa mga rason ng malawakang kakulangan sa mga silid-aralan ay ang mabilis na pagtaas ng populasyon, pagrupok ng mga imprastraktura at kalamidad.