Patay ang isang 9 na taong gulang na batang lalaki matapos makagat ng isang ligaw na aso sa Malapatan, Sarangani.
Ayon sa mga ulat, iisang shot lamang ng anti-rabies ang naibigay sa bata dahil sa mabilis na pagkalat ng rabies sa kaniyang katawan.
Noong Hunyo 9, 2025 daw nagsimulang makitaan ng sintomas ng rabies ang bata kung kaya't kaagad siyang nilapatan ng anti-rabies vaccine, ngunit matapos ang ilang araw ay pumanaw na rin ang biktima.
Ayon sa Sarangani Provincial Health Office, noong Mayo 18 pa nakagat ng aso ang bata habang nakikipaglaro sa isang ligaw na aso. Hindi rin umano agad sinabi ng biktima sa kaniyang mga magulang ang nangyaring insidente.
"Ang una nagpacheck-up siya sa RHU so binigyan siya ng anti-rabies vaccine but during that most likely the rabies is already in the brain. The moment the rabies, the virus is in the brain kahit billion ang pera mo, mamamatay talaga ang pasyente,” ani Sarangani Provincial Health Office Head, Dr. Alvin Alejandro.
Samantala, sinubukan pa raw tuntunin ng lokal na awtoridad sa Malapatan ang asong nakakagat sa biktima ngunit napag-alamang kinatay na raw ito ngilang residente at saka kinain.
Tinatayang nasa 30 indibidwal ang kumain sa karne nasabing aso na kasalukuyan na raw isinailalim sa anti-rabies immunization.