June 14, 2025

Home BALITA

Sey ng Palasyo, tambalang ‘Sara-Imee’ sa 2028, gamitan lang?

Sey ng Palasyo, tambalang ‘Sara-Imee’ sa 2028, gamitan lang?
Photo courtesy: screenshot from RTVM/FB, Sara Duterte/FB

Sumagot ang Malacañang sa umano’y nakaambang tambalan nina Vice President Sara Duterte at Senador Imee Marcos para sa susunod na halalan sa 2028.

Sa press briefing nitong Lunes, Hunyo 13, 2025, diretsahang nilinaw ni Palace Press Undersecretary Claire Castro na walang kinalaman si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr., sa nilulutong “Sara-Imee” tandem.

“Walang kinalaman ang Pangulo sa kontratang kanilang [VP Sara, Sen. Imee] pinasukan,” saad ni Castro.

Dagdag pa niya, “Isang tao na manggagamit at isang tao na willing magpagamit.”

National

Eastern Police District, nakaantabay na sa pagbubukas ng klase sa June 16

Matatandaang kay Senador Robin Padilla nagmula ang nasabing tambalang Sara-Imee matapos niyang ihayag na siya raw ang tatayong campaign manager ng dalawa kasama ang mga magiging senador nito.

“'Si Robin Padilla, sa 2028—campaign manager ako ni Inday Sara Duterte at ni Imee Marcos, at siyempre, ng mga senador nila," anang senador sa kaniyang talumpati sa Kuala Lumpur, Malaysia noong Huwebes, Hunyo 12.

Samantala, sa kaniyang talumpati rin sa Malaysia nagpahiwatig si VP Sara hinggil sa nasabing tambalan nila ng senadora matapos niyang igiit na si Sen. Imee na raw ang magpapabalik sa bansa kay dating Pangulong Rodrigo Duterte na nakadetine sa International Criminal Court (ICC) sa The Hague, Netherlands.

"Inimbita ko si Se. Imee Marcos kung saan man ako pumupunta, dinadala-dala ko siya. Kasi sinasabi ko sa kaniya, hindi ako ang magbabalik kay dating Pangulong Duterte sa Pilipinas, dahil ang kapatid mo ang nagpadala sa kaniya sa Hague, ikaw ang magbabalik sa kaniya sa Pilipinas," saad ng Pangalawang Pangulo.

KAUGNAY NA BALITA: VP Sara 'hostage' si Sen. Imee, kailangang ibalik sa Pinas si FPRRD