Nasa 535 tauhan ng Eastern Police District (EPD) ang nakaantabay na upang magbigay seguridad sa nakatakdang pagbubukas ng klase sa mga pampublikong paaralan sa eastern metro sa Lunes, Hunyo 16.
Ayon kay EPD Director PBGEN Aden Lagradante, ang mga naturang pulis ang titiyak sa kaligtasan at kaayusan sa Metro East at siya ring tutulong sa mga estudyante, mga magulang at mga guro sa pagbubukas ng klase.
“In support of the Department of Education's annual school opening initiative, the EPD has mobilized its forces across Pasig, Mandaluyong, Marikina and San Juan, focusing on securing school zones, managing traffic flow, and providing police assistance to the school premises,” ani Lagradante.
“Our mission is to guarantee a safe and orderly return to school for all students and stakeholders,” aniya pa. “The EPD remains committed to proactive police visibility and quick response throughout the entire opening week and beyond.”
Paniniguro pa niya, nakikipag-ugnayan na rin sila sa local government units, barangay officials, at school administrators upang masiguro ang isang kumprehensibong security coverage.
Bubuhayin din aniya nila ang kanilang mga Assistance Desks sa mga key school areas, upang magkaloob ng agarang suporta at tulong sa publiko.
Hinikayat pa ng EPD ang mga komunidad na manatiling vigilante at kaagad na isumbong ang anumang kahina-hinalang mga aktibidad na kanilang maoobserbahan sa 911 upang mabilis itong marespondehan ng mga awtoridad.