Naghayag ng saloobin si human rights lawyer Atty. Kristina Conti kaugnay sa posibleng pagpayag ng International Criminal Court (ICC) prosecutor sa inihaing interim release ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Si Conti ang tumatayong Assistant to Council sa ICC na kakatawan sa mga biktima ng EJK ng administrasyong Duterte.
Sa latest Facebook post ni Conti nitong Biyernes, Hunyo 13, sinabi niyang parang binuhusan umano siya nang malamig na tubig nang matunugan niya ang tungkol dito.
“Para naman akong binuhusan ng malamig na tubig. Lalo na nung mabasa ko na hindi raw kokontrahin ng prosecutor ang interim release ni Duterte,” saad ni Conti.
Pero dagdag niya, “Magko-konsultahan po kami ng mga biktima/kliyente, pero nung huling usap namin hindi sila pabor sa anumang special treatment kay Duterte.”
Samantala, hindi naman pinangalanan sa inihaing petisyon kung aling bansa ang handang tumanggap kay Duterte para sa pansamantalang paglaya ngunit bahagi umano ito ng Rome Statue.
Kasalukuyang nasa The Hague, Netherlands ang dating pangulo dahil sa kaso niyang crimes against humanity. Nakatakda naman ang confirmation of charges hearing sa Setyembre 23, 2025.
MAKI-BALITA: Confirmation of charges hearing para kay FPRRD, itinakda ng ICC sa Sept. 23, 2025