Bigong maratipika ng Senado ang pagpasa ng wage hike bill upang mabigyan ng umento ang mga manggagawa.
Ayon sa mga ulat, hindi nagkasundo ang Senado at Kamara matapos silang magkasa ng magkaibang bersyon para sa dagdag na sahod sa mga manggagawang nasa pribadong sektor. Tinatayang nasa ₱100 ang isinusulong ng Senado habang ₱200 naman ang bersyon ng Kamara.
Noong Miyerkules, Hunyo 11, 2025, matatandaang sinagot ng House Committee on Labor and Employment ang naunang liham ni Sen. Joel Villanueva hinggil sa mungkahing pagtanggap na lamang ng Kamara sa naunang bersyon ng Senado na ₱100 umento sa manggagawa.
KAUGNAY NA BALITA: 'Minus ₱100!' Kamara, umalma sa ₱100 bersyon ng Senado sa proposal nilang ₱200 wage hike
Saad ng liham ng Kamara na magpatawag na lang ng bicameral meeting sa pagitan nila ng Senado ngunit nanindigan ang ilang senador na hindi na ito aabot sa pagtatapos ng 19th Congress.
“The Senate is about to adjourn. Definitely, we don’t have time for a (bicameral conference). Time is really not on our side,” anang pahayag ni Villanueva noong Miyerkules ng gabi.
Sinegundahan din ni Zubiri ang tindig ni Villanueva at sinabing hindi raw kakayanin ng ilang maliliit na negosyo ang hinihinging mas mataas na umento ng Kamara.
“The House continuously insists on the ₱200 minimum wage (increase). We all know that the businessmen, the small and medium enterprises, cannot afford such a large sum. And they insist on that amount when we are (at a) ₱100 a day per minimum wage earner increase,” aniya.
Dagdag pa niya, “So that puts us in a bind. And now it has not moved forward. It is the last day today before we adjourn sine die. We’d like to inform all the workers, laborers, minimum wage earners, that the Senate did its best to fight for their rights. I feel bad for them.”
Inaasahang muling ihahain ang naunsyaming wage hike bill sa pagpasok ng 20th Congress sa Hulyo 2025.