May biro si Vice President Sara Duterte patungkol kay Sen. Imee Marcos, na kasama niyang dumalo sa pagdiriwang ng ika-127 anibersaryo ng Araw ng Kalayaan, sa piling ng mga OFW sa Kuala Lumpur, Malaysia.
Sa talumpati ni VP Sara, pabiro niyang sinabing kaya lagi niyang kasama si Sen. Imee ay dahil "hostage" niya ito at kailangang ibalik sa Pilipinas si dating Pangulong Rodrigo Duterte na nakadetine sa International Criminal Court (ICC) detention facility sa The Hague, Netherlands.
Tutal naman daw, ang nagpadala kay FPRRD sa The Hague ay kapatid niyang si Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos, Jr.
"Inimbita ko si Se. Imee Marcos kung saan man ako pumupunta, dinadala-dala ko siya. Kasi sinasabi ko sa kaniya, hindi ako ang magbabalik kay dating Pangulong Duterte sa Pilipinas, dahil ang kapatid mo ang nagpadala sa kaniya sa Hague, ikaw ang magbabalik sa kaniya sa Pilipinas," saad ng Pangalawang Pangulo habang naghihiyawan naman ang mga tao ng "Bring Him Home!"
"Kaya dala-dala ko 'yan siya lagi, kahit saan ako pumunta... para siyang naka-hostage," saad pa ng Pangalawang Pangulo, dahil kahit saan daw siya magpunta, kahit bata raw, ay sinasabihan siyang ibalik o iuwi sa Pilipinas ang tatay niya.
"Bibitawan ko lang 'yan siya kapag ang dating Pangulong Duterte ay nabalik na sa Davao City," giit pa niya.
Matatandaang isa ang senadora sa 18 senador na sumang-ayong ibalik sa House of Representatives ang Articles of Impeachment ni VP Sara.
Tutol din ang senadora sa nangyaring pagdakip sa dating pangulo, at sa katunayan, ay nagsagawa pa ng senate committee hearing patungkol dito.
Samantala, wala namang reaksiyon, tugon, o pahayag si Sen. Imee tungkol dito.
KAUGNAY NA BALITA: VP Sara kasama sina Sen. Robin, Sen. Imee sa Malaysia