Nakiisa sa pagbati ng ika-127 anibersaryo ng pagdiriwang saAraw ng Kalayaan si Vice President Sara Duterte nitong Huwebes, Hunyo 12, 2025.
Sa kaniyang Facebook video nitong Huwebes, binigyang-diin ni VP Sara ang mga paglapastangang gawain na umano’y maituturing na laban sa kalayaan.
“Ang Araw ng Kalayaan ay pagkakataon hindi lamang upang ipagdiwang ang ating kalayaan kundi upang paalalahanan din tayo sa ating tungkulin na bantayan, pangalagaan at ipagtanggol ito sa lahat ng panahon,” aniya.
Dagdag pa niya, “Paglapastangan sa alaala ng ating mga bayani ang pagyakap sa kultura ng pagkaalipin.”
Iginiit din ng Pangalawang Pangulo na paglapastangan umano sa kalayaan ang pagsasawalang bahala sa kahirapan at karapatan ng mga Pilipino.
"Paglapastangan sa diwa ng kalayaan ang pagsasawalang bahala sa paghihirap ng maraming pamilyang Pilipino at ang paglabag sa mga karapatan at sa batas," anang Pangalawang Pangulo.
Ipinanawagan din ni VP Sara na huwag daw isuko ang kalayaan laban sa umano'y taksil at walang malasakit sa bansa.
"Huwag nating isuko ang kalayaang ito sa mga taksil at walang malasakit sa ating mamamayan at sa ating bayan. Patuloy nating ipagtanggol ang ating kalayaan at kinabukasan mula sa mga mapang-alipin," anang Bise Presidente.