Pumalo sa kabuuang 3,616 na katao ang naitala ng Philippine National Police (PNP) na lumabag sa nationwide gun ban na opisyal nang nagtapos noong Miyerkules, Hunyo 11, 2025.
Ayon sa PNP, nasa 3,702 na mga armas kasama ang 1,317 revolvers; 1,057 pistols; 28 rifles; 28 shotguns; at 908 na iba pang klase ng armas ang kanilang nakumpiska magmula nang inimplementa ito noong Enero 12.
Batay pa sa datos ng PNP, nasa 998,679 checkpoints ang ipinakalat nila sa kasagsagan ng gun ban kung saan 265 ang naaresto nang on the spot sa checkpoints habang 1,879 naman ang nasakote sa pamamagitan ng police operations.
Sa National Capital Region (NCR) naitala ang pinakamaraming naarestong indibidwal na nasa 1,271, na sinundan ng Rehiyon 3 na nasa 435 na mga naaresto, Rehiyon 7 na may 429 at Rehiyon 4A na may 336.
Samantala, siniguro naman ni PNP Chief Nicolas Torre III na patuloy pa rin nilang gagawin ang pagpapanatili sa kapayapaan bagama't nagtapos na ang nasabing election gun ban.
“We will not let up. The conclusion of the gun ban marks a transition, not an end. The PNP remains committed to sustaining peace, preventing gun-related violence, and protecting every Filipino from crime and lawlessness,” saad ni Torre.