Tatlong senador ang naispatang hindi nagsuot ng kanilang impeachment robes nang manumpa ang mga senador bilang senator-judges, sa pag-convene nila bilang Senate Prosecution Court nitong Martes, Hunyo 10, 2025.
Sa pangunguna ni Senate President Chiz Escudero, isinagawa ng mga senador ang kanilang oath-taking habang nakasuot ng impeachment robes, simbolo na ang Senado ay isa nang ganap na hukuman ng impeachment, na alinsunod sa Saligang-Batas, ay dapat lumitis kay Vice President Sara Duterte.
Ngunit sina Senator-judges Robin Padilla, Cynthia Villar, at Imee Marcos ay hindi nagsuot ng kanilang impeachment robes.
Si Padilla ay nagpaliwanag kay Escudero na bagama't nanumpa siya, ay may mga "reserbasyon" pa. Hindi niya lubos na ipinaliwanag kung ito ba ang dahilan kung bakit hindi siya nagsuot ng roba.
Ipinaliwanag din ni Marcos ang kaniyang panig kaugnay ng panunumpa.
"I make this oath ad cautelam without prejudice to the resolution of the jurisdictional issue as well as issues pertaining to the validity of the impeachment complaint or to the filing thereof if any," aniya.
Si Villar naman, nang ma-ambush interview ng media, ay may maikling sagot tungkol dito. Aniya, wala raw nagawang impeachment robe para sa kaniya.
Noong Marso 2025, sinabi ni Sen. Alan Peter Cayetano na nagsimula na silang magpasukat ng gagamitin nilang roba para sa impeachment trial, bilang mga senator-judge.
Nagsimula ang pagsusuot ng impeachment robe sa rekomendasyon ng pumanaw na si Sen. Miriam Defensor Santiago, nang maging hukom siya sa International Criminal Court (ICC), upang mas maging pormal daw silang tingnan. Velvet red naman ang kulay ng robes, dahil ito raw ang opisyal na kulay ng Senado.
KAUGNAY NA BALITA: Botong 18-5: Sino-sino Senator-judges na aprub, tutol sa mosyon nina Dela Rosa, Cayetano?