Matapos ang panunumpa ni Senate President Francis "Chiz" Escudero bilang presiding officer ng impeachment court, sinabi ni ML Partylist 1st nominee Leila De Lima na dapat pa rin bantayan umano ang galaw ng Senado.
Noong Lunes, Hunyo 9, nang manumpa si Escudero bilang presiding officer para sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte, na sisimulan sa Miyerkules, Hunyo 11.
Sa kabila nito, sinabi ni De LIma na dapat pa ring maging mapagbantay lalo na raw sa "mistulang style tingi-tingi ng Senado sa impeachment trial."
"Kailangan pa rin nakabantay. Vigilance is still a must, lalo na sa mistulang style tingi-tingi ng Senado sa impeachment trial," saad niya sa isang X post nitong Martes, Hunyo 10.
Dagdag pa niya, "Baka sa dulo ng suspense na ito ay isang impakto dismissal."
Samantala, sa pahayag ng defense team ni VP Sara, iginiit nilang nakahanda raw silang harapin ang lahat ng mga walang batayang alegasyong ibinabato sa Pangalawang Pangulo.
BASAHIN: Defense team ni VP Sara, handang makipagkomprontahan sa Senado!