Inaksyunan ng Department of Transportation (DOTr) at Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang nag-viral na tila "karerahan" ng mga bus ng GV Florida Transport matapos lumutang at pag-usapan ang video ng isang concerned netizen na nagsadokumento nito, habang namamaybay sa Diadi-Cordon Road sa Nueva Vizcaya.
"Ginawang race track ng mga hari ng daan ang Diadi - Cordon road ," mababasa sa caption ng uploader ng video na si Carlo Carbonel.
"6 florida bus po yan nsa likod lng ung dalawa humahabol ," dagdag pa niya.
May mga nagsabing tama lamang ang ginawa ng uploader subalit may mga nagsabi ring naka-time lapse ang video kaya nagmukhang mabilis ang takbo nila.
Matapos mag-viral ang video at sitahin ng mga netizen ay naglabas naman ng pahayag ang kompanya patungkol dito.
"We sincerely apologize about the circulating issue regarding the fast forward footage posted by Carlo Carbonel," mababasa sa opisyal na pahayag, na naka-post sa kanilang opisyal na Facebook page.
"The content does not align with our company's values and standards. We are currently addressing the matter internally and we assure the public that the safety and well-being of our passengers is our top priority."
Subalit sa araw ng Martes, Hunyo 10, sinabi mismo ni DOTr Vince Dizon ang suspensyon ng 15 buses ng nabanggit na bus company, kaugnay pa rin sa insidente.
Magkakaroon ng hearing sa LTFRB ang nabanggit na kompanya sa Hunyo 15, at sasailalim umano sa mandatory drug testing ang mga drivers na sangkot dito.