Diretsahang iginiit ni Senate President Chiz Escudero na hindi niya gusto si Vice President Sara Duterte ngunit nilinaw niyang hindi ito makakaapekto sa paghawak niya ng impeachment laban sa Pangalawang Pangulo.
"Hindi ako pabor, hindi ko gusto si VP Sara. Pero hindi rin ako galit sa kaniya,” ani Escudero sa kaniyang press briefing nitong Lunes, Hunyo 9, 2025.
Dagdag pa niya, “I'm performing, doing my role the best way I see fit without any fear or bias in favor or against anyone.”
Pinuna rin niya ang intensyon ng mga taong pilit umanong nagmamadali na masimulan na ang impeachment laban kay VP Sara at pati na rin ang ang mga tumututol dito.
“Itong mga taong nagmamadali, klaro naman na ayaw sa kaniya. Kilala n'yo naman sila eh. Itong mga gigil na gigil, klaro naman na gusto siyang matanggal, sinisigaw 'accountability.' Pero yung mga taong gusto sa kaniya, sinisigaw naman yung accountability ng mga nauna. Na bakit hindi binibigyan ng kaparehong pansin,” aniya.
Bunsod nito, muling binigyang-diin ni Escudero na wala raw siyang balak na makinig sa inagy ng mga pabor at kontra sa impeachment ng Bise Presidente.
“Sinomang pabor o kontra kay VP Sara, sinomang pabor o kontra sa impeachment—may posisyon na sila. Hindi ako magpapadala sa kanila, sinabi ko na 'yan noong Pebrero pa,” anang Senate President.
KAUGNAY NA BALITA: Senado, 'magbibingi-bingihan' sa mga pabor at 'di pabor sa impeachment kay VP Sara—SP Chiz
Giit pa ni Escudero, nakahanda raw siyang gawin ang sa tingin niya ay tama at nakabatay sa kagustuhan ng Senado at hindi ng kung sinoman.
“Gagawin ko kung ano ang tingin kong tama at kung ano ang gusto ng Senado na mapagbobotohan namin. Hindi dahil gusto ng may ayaw kay VP Sara. Hindi dahil nagmamadali yung may ayaw kay VP Sara,” aniya.