Pinatutsadahan nina Senator-elect at dating Senate President Tito Sotto at Sen. Migz Zubiri si Senate President Chiz Escudero hinggil sa naging pagtugon daw nito sa impeachment ni VP Sara.
Sa kaniyang mensahe sa group chat ng media nitong Lunes, Hunyo 9, iginiit ni Sotto na umamin daw sina Sen. Nancy Binay at Sen. Migz Zubiri na hindi sila kinonsulta ni Escudero hinggil sa mga naging desisyon nito sa nakabinbing impeachment ni VP Sara.
"Iyong SP sabi lahat daw ng kilos n'ya is by the Senate. Just now, Nancy and Migs said none of them were ever consulted. One thing I never did was lie to the media."
Matatandaang sinabi ni Escudero sa kaniyang press briefing nitong Lunes na ginagawa umano niya ang tungkulin niya bilang Senate President na nakaayon sa kaalaman ng mga kapwa Senador.
"Bahagi ng trabaho ko bilang tagapangulo ng Senado at bahagi ng 19th Congress na pagpasyahan ito sang-ayon sa approval o assent ng aming mga kasamahan," ani Escudero.
BASAHIN: SP Chiz, aminadong ayaw kay VP Sara; pero ‘di bias sa usapin ng impeachment!
Samantala, sa hiwalay na pahayag, iginiit ni dating Senate President Zubiri na wala raw silang alam kung ano ang plano ni Escudero hinggil sa magiging takbo raw ng inaasahang pagbubukas ng impeachment ni VP Sara kasabay ng kanila pang nakabinbing trabaho sa Senado sa Miyerkules, Hunyo 11.
"Hindi naman kami pinagsasabihan. Ang gusto ni Senate President, magdebate at magbotohan sa floor. For me, that's not right. He should show leadership and say, okay, let's meet. Itong plano, itong gusto natin gawin.," saad ni Zubiri.
Binigyang-diin din ni Zuburi na dapat umanong magkaroon ng nagkakaisang desisyson ang mga senador na kaniya raw inaapela kay Escudero.
"There should be some sort of agreement from all members of the Senate and that is what we are appealing to the Senate President. Because right now I'm clueless. You'll ask me what the plan is? I do not know. You'll ask me what the plan is on Wednesday? I do not know," aniya.