June 09, 2025

Home BALITA National

'Walang atrasan!' 2 senador, sinigurong tuloy ang impeachment trial sa Hunyo 11

'Walang atrasan!' 2 senador, sinigurong tuloy ang impeachment trial sa Hunyo 11
PHOTO COURTESY: SENATE OF THE PHILIPINES, MB FILE PHOTO

Iginiit ng dalawang senador na matutuloy ang pagsisimula ng pag-usad ng impeachment trial ni Vice President Sara Duterte sa darating na Hunyo 11, 2025.

Ayon kay Sen. Sherwin Gatchalian, wala raw ibang pagpipilian ang Senado kung hindi ituloy ang nakabinbing impeachment.

“Wala namang choice ang Senado. Hindi ito desisyon ng mga senador. Ito ay constitutional responsibility ng mga senador,” ani Gatchalian sa panayam ng Super Radyo dzBB nitong Linggo, Hunyo 8, 2025.

Malinaw daw an isinasaad ng Konstitusyon hinggil sa pagtatalaga sa Senado bilang impeachment court.

National

PBBM, pinahahanap student athletes na nag-wacky ng mukha sa speech niya

“Walang uncertainty kasi dapat namin sundan ang Constitution. Klaro sa Konstitusyon na kailangang i-convene ang impeachment court once na na-transmit na sa Senado ang Articles of Impeachment,” aniya.

Sa hiwalay na panayam ng naturang radio station kay Sen. Francis Tolentino, iginiit niyang ang pagbasa raw ng articles of impeachment ay parte na ng mismong pagsisimula ng paglilitis.

“Dapat mag-convene kasi tatanggapin namin ang Articles of Impeachment formally. Yung pagko-convene is part of the trial itself; yun yung simula when you take an oath,” saad ni Tolentino.

Samantala, pareho namang sinang-ayunan ng dalawang senador na magkakaroon umano ng malaking kasiraan sa Senado kung bigo na lang mabubuksan ang impeachment ni VP Sara na halos apat na buwan ng naipit sa kanilang institusyon.

“Ang Senado ay guardian of democracy. Dapat itong panindigan, dahil isa 'yan sa pinakamahalagang trabaho ng Senado para may pananagutan o accountability yung mga mataas na personalidad,” ani Gatchalian.

Dagag pa niya, “Ayaw nating magkaroon ng credibility problem at integrity issues.”

Saad naman ni Tolentino, “Ang salitang ‘forthwith’ ay command na naka-attach sa 19th Congress. Hindi 'yon constitutional command sa 20th Congress.”

Matatandaang sa isang manipesto, nauna nang iginiit ni Tolentino na maituturing nang ibinasura ang impeachment ni VP Sara kapag ito ay tumawid pa sa 20th Congress.

KAUGNAY NA BALITA: Impeachment kay VP Sara, ‘maikokonsidera nang ibinasura’ ‘pag ‘di umusad hanggang Hunyo 30—Sen. Tolentino