Natatawang nagkomento si Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos, Jr. sa isang video clip kung saan makikita ang ilang babaeng student athletes na nag-wacky ng mukha habang nagtatalumpati siya para sa opening program ng "Palarong Pambansa" kamakailan.
Pero sa halip na magalit ay tila naaliw pa ang Pangulo sa kaniya.
"No'ng opening ceremony ng Palarong Pambansa, eh may mga kabataang atleta sa likod ko habang ako'y nag-speech, kung ano-anong mga mukha ang kanilang ginawa," natatawang sabi ng Pangulo.
"Iyan yata 'yong mga uso sa TikTok ngayon."
Kaya naman, tinawag ni PBBM ang atensyon ng anak na si Cong. Sandro Marcos na kung puwedeng ipahanap daw ang mga mag-aaral na iyon upang makaharap niya.
"Cong. Sandro, baka puwede natin mahanap itong mga batang ito, para makilala naman natin. Shout out naman diyan sa mga kabataan!" natatawa pang sabi ng Pangulo.
Sa mas seryosong usapin, ibinida ng Pangulo sa nabanggit na vlog ang mga nagawang pagbabago sa ilalim ng kaniyang administrasyon na tinatawag niyang "Bagong Pilipinas."