Ipinaliwanag ni "Pambansang Yoba" Euleen Castro ang kaniyang panig hinggil sa nag-viral na video niya na sinabihan niyang hindi masarap ang kape at pagkain sa isang cafe sa Iloilo, na naging dahilan ng bashing at body shaming sa kaniya.
Sa kaniyang YouTube channel, ikinuwento ni Euleen ang lahat; kung paano sila napadpad sa nabanggit na coffee shop hanggang sa naging panlasa nga niya sa mga natikman niyang kape at pagkain dito.
Aniya, pagkatapos nilang manggaling sa isang sinehan ay agad silang naghanap ng isang cafe upang magkape, at wala na raw silang ibang napuntahan kundi ang nabanggit na coffee shop.
Umorder daw talaga siya ng marami para matikman niya lahat, tutal naman daw ay wala namang ganoong cafe sa Maynila.
"Honestly, hindi po talaga ako nasarapan, and opinyon ko naman po 'yon," aniya.
Sa kabilang banda, wala naman daw siyang sinabi sa mga tao na huwag na itong puntahan o tangkilikin.
"Hindi ko sinabing huwag puntahan, hindi ko sinabing magsara kayo..." aniya pa.
KAUGNAY NA BALITA: Euleen Castro sa cafe sa Iloilo: 'Honestly, hindi talaga ako nasarapan!'
Tungkol naman daw sa pagmumura niya na sinita rin ng mga netizen, ipinagdiinan ni Euleen na hindi raw niya minura ang pagkain, staff, at cafe.
"About doon sa pagmumura... main issue n'yo is nagmura ako doon sa pagkain, hindi ko po minura 'yong pagkain, 'yong staff, 'yong cafe, wala akong minura. Expression ko lang po talaga 'yon."
Gets naman daw ni Euleen na marami ang hindi nauunawaan ang kaniyang humor at nauunawaan naman daw niya ito.
Naging wake-up call daw ang insidenteng ito na malawak na pala ang reach niya kaya kailangang mag-ingat sa mga susunod niyang content.
Sa bandang huli ay humingi ng paumanhin si Euleen sa lahat ng mga nasaling, nasaktan, at naapektuhan sa kaniyang mga naging kilos at nasabi, lalo na sa mga staff, crew, at may-ari ng cafe dahil sa kaniyang naging pagkukulang.