Binabalak daw palang bumalik ni T.G.I.S. star Red Sternberg na bumalik sa mundo ng showbiz bago tuluyang pumanaw kamakailan.
Sa latest episode ng “Fast Talk with Boy Abunda” noong Biyernes, Hunyo 7, sinabi ni Michael Flores makakabilang daw pala sana ang co-star niyang si Red sa inaabangang T.G.I.S. reunion project.
“Plano niyang bumalik dito. Plano nga niyang mag-artista ulit, e. Gusto nga niyang mag-artista daw ulit, e,” lahad ni Michael.
Ayon kay Michael, lumapit daw sa kanila ni Bobby Andrews si Red upang humingi ng payo kung sino ang management na malalapitan sa pagbabalik nito.
“‘Pag naging okay baka mag-stay muna sila dito for a while kung okay ‘yong magiging outcome. And then, ‘yon nga, mag-se-celebrate pa kami ng 30 years namin. Anniversary ng ‘T.G.I.S,’” aniya.
Dagdag pa ni Michael, “So talagang sobrang excited siya to the point na nag-workout siya, nag-diet siya.”
Kaya talagang malungkot para sa kaniya ang pagpanaw ni Red dahil nakaplano na raw talaga ang reunion project ng T.G.I.S kasama si Bobby, Angelu De Leon, at ibang pang cast nito noon.
Matatandaang sumakabilang-buhay si Red sa edad na 50 dahil umano sa heart attack.
MAKI-BALITA: Dating sikat na teen actor noong ‘90s, pumanaw na