Kabilang ang online pornography at dating apps sa mga nakikita umanong dahilan ng Department of Health (DOH) kung bakit tumaas ng 500% ang Human Immunodeficiency Virus (HIV) cases sa kabataan.
KAUGNAY NA BALITA: HIV cases sa mga kabataan, tumaas ng 500%; pinakabata, 12-anyos!
Sa isang media briefing nitong Huwebes, Hunyo 5, binanggit ni DOH chief Teodoro Herbosa ang mga posibleng dahilan kung bakit tumaas ang HIV cases sa kabataan.
“Tumaas ang risky behavior. So, number one, easy access to pornography online; number two, mga dating apps; number three, hindi gumagamit ng protection, unprotected sex," saad ni Herbosa.
Dagdag pa niya, “Napansin ko, tumataas iyong HIV kasi mataas pa rin ang stigma sa atin."
Nauna na ring nabanggit ni Herbosa kamakailan na ang pagtaas ng bilang ng taong may HIV ay dahil din sa pagtatalik ng lalaki sa lalaki.
BASAHIN: 95% pagsirit pataas ng HIV cases, bembangan ng lalaki sa lalaki
Ibinaba na rin ng DOH sa edad na 16 ang HIV testing. Gayunman, binigyang-diin ni Herbosa na ang paggagamot sa HIV ay kinakailangan pa rin ng parental consent para sa mga menor de edad.
“Ang problema, kailangan din namin ng parental consent ng start of treatment, so, that’s another legislation na kailangan namin," anang kalihim.
"Kita ninyo na to battle HIV ay kailangan ko ang legislation, kailangan ko ang funding, kailangan ko ng information campaign."