Magkakaloob ang Metro Rail Transit Line 3 (MRT-3) at Light Rail Transit Lines 1 (LRT-1) at 2 (LRT-2) ng libreng sakay kaugnay sa pagdiriwang ng ika-127 anibersaryo ng Araw ng Kalayaan sa Hunyo 12.
Batay sa abiso ng mga pamunuan ng mga naturang rail lines, nabatid na ang kanilang free rides ay maaaring i-avail ng lahat ng pasahero sa nasabing petsa, mula 7:00AM hanggang 9:00AM at mula 5:00PM hanggang 7:00PM, sa lahat ng kanilang train stations.
Ayon sa Light Rail Manila Corporation (LRMC) na siyang nangangasiwa sa operasyon ng LRT-1, ang kanilang libreng sakay ay bilang pakikiisa sa pagdiriwang ng Araw ng Kalayaan.
Inianunsyo rin ng LRMC na mananatili pa rin ang kanilang regular na holiday operating schedule para sa nasabing araw, kung kailan ang unang tren ay aalis mula Dr. Santos Avenue at Fernando Poe Jr. Stations ng 5:00AM at ang huling biyahe naman ng tren mula Dr. Santos Station ay aalis ng 9:30PM habang 9:45PM naman mula sa Fernando Poe Jr. Station.
Abiso naman ng Light Rail Transit Authority (LRTA) na siyang nangangasiwa sa operasyon ng LRT-2, “Bilang paggunita sa ika-127 anibersaryo ng Araw ng Kalayaan, handog ng Light Rail Transit Authority (LRTA) ang LIBRENG SAKAY para sa lahat ng mga pasaHERO ng LRT Line 2 sa Hunyo 12, 2025.”
Ayon kay LRTA Administrator Atty. Hernando Cabrera, “Ang libreng sakay na ito ay isang pasasalamat at paggunita sa ating kalayaan. Buong puso kaming nagpupugay sa ating mga bayan isa kanyang tapang, sakripisyo, at walang kapantay na pagmamahal sa bansa. Nawa’y lagi nating isapuso ang diwa ng kanilang kabayanihan.”
Sa panig naman ng pamunuan ng MRT-3, sinabi nito na, “Ito ay alinsunod sa utos ni Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr. na maghandog ng mga inisyatibong naglalayong mapagaan ang gastusin sa transportasyon at mapalaganap ang pagpapahalaga sa mahahalagang pambansang okasyon.”
Ang LRT-1 ay bumabagtas mula sa Fernando Poe Station (dating Roosevelt), sa Quezon City hanggang sa Dr. Santos Avenue sa Parañaque City, habang ang LRT-2 naman ay bumibiyahe mula sa Recto Avenue, sa Maynila hanggang Antipolo City sa Rizal.
Ang MRT-3 naman ang siyang nag-uugnay sa Taft Avenue, Pasay City at North Avenue, Quezon City.