Paano nga ba kung sa "meet-the-family" mo sa angkan ng partner mo, sa umpisa pa lang, pinaramdam na agad sa iyo na parang itatrato kang kasambahay?
Bagama't wala namang masama sa pagiging kasambahay, pero oks nga lang ba para sa isang jowa na utus-utusan na agad ng mga kapamilya niya?
Iyan ang naging usap-usapan ng mga netizen sa isang viral Facebook post na ibinahagi ng isang anonymous sender sa "Quest Diaries" kung saan, hindi raw akalain ng girl ang magiging karanasan niya sa first meet-up niya sa pamilya ng kaniyang boyfriend.
"Unang meetup ko sa family ng boyfriend ko, Bumili pa ako ng pizza pasta chicken pasalubong sa pamilya nila. Hindi kalakihan sahod ko pero gumastos ako ng 2.5k sa pagkain lang malaki kasi pamilya nila boyfriend. Gusto ko magpaimpress eh," aniya.
Sa pagpapatuloy, "Pagdating ko, warm naman pag welcome nila. Nakikipagusap kagad sakin pero nakakainis ung alam nyo yung alam naman nila may bisita sila, 1st gf ng anak nila tapos wala man lang niluto kahit ano. Nagsabi daw kasi sya sakanila na bumili ako ng pagkain."
"Masaya naman 1st meetup, getting to know sila sakin at sa family ko. Medyo kumunot lang noon ng mama nya nung sinabi ko breadwinner ako. 2nd balik ko, cake lang binili ko kasi naisip ko dalhin merienda lang. Kasi dumating ako dun mag 1pm na."
"Pagdating ko, ang bungad sakin ng mama ni bf “wala ka dala lunch, hinintay ka namin eh…” Akala ko hinintay ako para kumain, yun pala naghintay sila sa dala ko pagkain. Sabi ko cake lang dala ko pang merienda, pinaghintay ko sila ng lunch tapos cake lang daw dala ko. Edi tsaka pa lang sila nagsaing at nagluto."
"Tapos sabi ng ate ni bf, since wala naman daw ako dala lunch tulong na lang daw ako maghugas plato. Kahit na wala naman ako kinain kasi busog ako. Tapos sabi tulong daw, ayun pala ako lahat gagawa ng hugasin. Malaki pamilya nila kaya madami ako hinugasan. Lahat sila nasa sala na nanonood ng showtime samantala ako nasa lababo halos isang oras nandun. Tinutulungan naman ako ni bf, hayaan ko na daw pakikisama na lang."
"3rd visit ko, dun na ako napasabi sa sarili ko na this will be the last time na pupunta ako ng bahay nila. Kasi hindi ko makita yung worth ko sa family at di ko feel na part ako ng family. Para ba ginawa ako katulong every bisita ko. Kasi ang nangyari, papasok pa lang ako ng gate ng bahay bigla sabi ng mama ni bf “ay sakto nandyan na si M, may bantay bahay tsaka kay chubi (yung dog nila)"
"Hindi daw pwede sa pupuntahan nila ung aso kaya pinabantay sakin. Si boyfriend pinasama nila kasi driver. Akala ko kasi kasama ako sa lakad nila. Ito bf ko wala man lang nasabi bumulong pa na “pakikisama na lang please.” Need ko umuwi sa bahay ng 6pm kasi aalis ate ko wala kasama mama ko na maysak!t. Tinatawagan na ako ni ate pero hindi ako makauwi kasi wala pa sila bf."
"Dumating sila mag 9pm na. Nagmadali ako umuwi kasi wala kasama si mama. Ni thankyou wala sila nasabi nagbiro pa ate ni bf na 'ay wala ka luto, di bnibiro lang kita.' Literal na parang ginawa ako katulong. Since then hindi na ako pumpunta kina boyfriend. Worth it ba ang boyfriend na hindi ka kaya ipagtanggol sa pamilya nya pero sobrang bait at responsible na bf naman sya."
REAKSIYON AT KOMENTO NG MGA NETIZEN
Samantala, umani naman ito ng iba't ibang reaksiyon at komento mula sa netizens, kabilang na sa ilang social media personality.
Isa nga rito ang kilalang doctor-content creator na si "Dr. Kilimanguru." Saad niya, may dalawang mali raw sa ginawa at sitwasyon ni Ate Girl.
"'Gusto ko magpaimpress eh'- Never do too much for STRANGERS. Kahit na possible future in-laws mo yung mga yan, hindi mo sila kadugo. Wala kang obligasyon sa kanila kahit na family yan ng jowa mo. Ang ginagawa mo para sa family mo, wag na wag mong gagawin para sa family ng jowa. Big no yan."
"'Pakisama nalang please' - Itong jowa mo naman, mukhang hindi ka priority. From an honest perspective, parang accessory ka lang. Kasi ang tunay na partner, hindi hahayaan na bastusin ka ng kahit na sino. Pero sa scenario na ‘to mukhang mas importante sa kanya ang i-please ang pamilya niya kesa ikaw."
"Worth it pa nga ba magka bf na ganyan? Tandaan: The partner we choose reflects our level of self-worth."
"Pero first of all, YOU NEED TO TALK TO YOUR PARTNER. Calmly, respectfully and objectively as possible. Open with 'Feel ko ginagawa lang akong yaya ng pamilya mo and I feel like you don’t even try to stand up for me.'"
"From there, tignan mo kung paano siya mag re-respond. Alamin mo rin naman side niya para makapag decide ka properly kung itutuloy mo yan o hindi."
"If deep down you feel na hindi yan ang deserve mo, it’s time to walk away. Alam ko mahirap pero kung ganyan palang ang set up ngayong mag jowa kayo, what more pag kasal?"
"Marriage won’t fix problems. It only magnifies the current problems," aniya.
Narito naman ang ilan pa sa mga sey ng netizens:
"ang galing ni Lord, no? Binibigyan ka ng sneak peek sa future mo with your bf. Tapos may free will ka para magdecision kung base sa naexperience mo eh tutuloy ka pa or hindi. Kung tumuloy ka at same situation ang mangyari, hindi na kasalanan ni Lord. May signs na eh pero ikaw yung magdedesisyon kung magpapakabulag ka sa love na yan."
"Girl, may standards na tayo when it comes to bf, find someone like Gwan Sik."
"Things will get worse pag mag asawa na kayo, sobrang kawawa at miserable ang araw araw na buhay mo baka ma depress kapa.Tapos di ka man lang maipagtanggol ng bf mo. Wag mo sayangin ang buhay mo sa kanila. You can be nice without being treated like a doormat."
"Deserve mo kasi tinolerate mo din eh!"
"Makisama ka na lang din, sa ayaw mo at sa gusto, kapag pinakasalan mo na ang boyfriend mo, magiging parte ka na ng pamilya nila. So mag-isip ka rin Girl kung kakayanin mo ba sila pakisamahan sa ganiyan nila."
KONSEPTO NG PAKIKISAMA
Sa kulturang Pilipino, ang konsepto ng pakikisama sa pamilya ng mapapangasawa ay isang malalim na halagahan. Mahalaga ang respeto at pagpapakita ng paggalang sa mga magulang at kamag-anak ng mapapangasawa. Karaniwan, kasama sa pagiging magiliw ang pagbibigay ng pansin sa mga kahilingan at pagtulong sa mga gawain sa bahay kapag nasa kanilang tahanan.
Mayroon ding halagang inihahandog na kagaya ng pasalubong o pagbibigay ng regalo bilang pagpapakita ng pasasalamat at pagpapakita ng pagmamahal sa kanilang pamilya. Sa katunayan, noong sinaunang panahon, ang mga lalaking nanliligaw sa mga babae ay hindi basta-basta nakatutuntong sa mga bahay ng kanilang nililigawan. Kailangan muna nilang magpakitang-gilas gaya ng pagsunod sa utos, paninilbihan, o pagbibigay ng dote.
Pero iba na ang panahon ngayon. "Woke" at malay na rin ang karamihan sa konseptong sa pagmamahalan, pagpapakasal, at paglagay sa tahimik, ang tanging mahalaga lamang ay desisyon ng mag-asawa, at hindi dapat makisawsaw o makialam ang mga kaanak ng dalawang partido, upang bigyang-laya ang mag-asawa sa mga balak at direksyon nila sa pagbuo ng sariling sambahayan.
Habang isinusulat ang artikulong ito ay humamig na ito sa 18k reactions, 3k shares, at 5.6k comments.
Ikaw Ka-Balita, anong kuda at hanash mo tungkol sa sitwasyon ni Girl?
---
Disclaimer: Bagama’t ang kuwentong ito ay inaako ng may-akda na mula sa tunay na pangyayari, hindi maaaring kumpirmahin o itanggi ng Balita ang katotohanan sa mga detalye at impormasyong nakasaad dito.