Nagkita at nagpulong sina re-elected Quezon City Mayor Joy Belmonte at Naga City Mayor-elect at dating Vice President Leni Robredo sa Quezon City Hall upang talakayin ang best practices ng lokal na pamahalaan patungkol sa pabahay.
Ayon sa post ng Quezon City Government official Facebook page, sinalubong ni Belmonte si Robredo bilang "panauhin" ng kanilang lungsod.
"Ibinahagi rin ni Mayor Joy at City Administrator Mike Alimurung kay Mayor-Elect Leni ang mga digitalization ng mga programa at proseso ng City Hall," mababasa sa post.
Dagdag pa, "Partikular dito ang fully online process ng mga transaksyon ng mga negosyo sa lungsod, pagtatayo ng District Action Offices, ang QCitizen ID, mga developed systems para sa Public Library at Health Department, at ang QC Birth Registration Online."
"Nais din ni Mayor Joy na maging Sister City ang Naga City upang mas mapatibay pa ang pakikipag-ugnayan sa syudad."
"Kasama sa pulong sina Chief of Staff Rowena Macatao, Housing Community Development And Resettlement Department Head Atty. Jojo Conejero, at former Congressman and Liberal Party Vice Chairperson Kit Belmonte," dagdag pa.