Nagbigay-pahayag si Philippine National Police (PNP) chief Gen. Nicolas Torre III kaugnay sa mga pang-aaresto na ginagawa ng mga pulis.
Sa isang media interview nitong MIyerkules, Hunyo 4, nausisa si Torre kaugnay sa alalahanin ng Commission on Human Rights (CHR) sa posibleng paglabag ng karapatang pantao ng mga pulis alinsunod sa direktiba niyang "paramihan system," kung saan dito umano pagbabasehan ang metrics performance ng kapulisan.
"I hope you agree with me na most of the time pumupunta ang tao sa pulis dahil agrabiyado sila... anong reaksyon ng pulis? e 'di huhulihin 'yong inirereklamo nila. 'Yon talaga ang trabaho ng pulis e. Hulihin ang kriminal na inirereklamo ng ating mga kababayan," saad ni Torre.
Sinagot din ng bagong hepe ng PNP ang katanungang "paano kung umabuso ang mga pulis sa pang-aaresto na walang basehan."
"Tandaan natin, 'Pag sinabing aresto buhay ang tao. Hindi patay. Kasi ang pagpatay hindi ko talaga ine-encourage 'yan," sagot ni Torre.
Giit pa niya, hindi pagpatay ang "number 1" na trabaho ng pulis.