Ibinahagi ni Philippine National Police (PNP) Chief Gen. Nicolas Torre III ang parusang posibleng igawad sa mga pulis na hindi tutugon sa “quick 3 minutes response” na ipatutupad niya sa Metro Manila.
Sa isinagawang press briefing nitong Miyerkules, Hunyo 4, sinabi ni Torre na pasasakitin umano niya ang katawan ng mga pulis kung hindi agad sila reresponde.
“Sasakit ang katawan nila. Ite-training ko sila. And we will make sure that they will comply with it. So, drill, drill, drill, and more drills will be the key,” saad ni Torre.
Dagdag pa niya, “So makikita n’yo ang mga pulis aktibo ‘yan. In the next few days, aktibo ‘yan. Tatakbo ang mga patrol car, tatakbo ang mga tao natin sa mga lugar na randomly ay sasabihin natin dito ang responde.”
Matatandaang si Torre ang ipinalit sa nabakanteng posisyon ni PNP Chief Rommel Marbil at kasalukuyang ikaapat na hepe ng PNP sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr.
MAKI-BALITA: Torre, nakatakda maging ikaapat na hepe sa ilalim ng PBBM admin