Bukod sa pangunguna ng Pilipinas sa may pinakamabilis na pagtaas ng kaso ng human immunodeficiency virus (HIV) sa buong mundo, nakapagtala ang Department of Health (DOH) ng 500% na pagtaas ng bilang ng mga kabataang dinapuan ng naturang sakit.
Umapela na sa mga awtoridad ang DOH na maideklarang isang national public health emergency ang HIVs a bansa dahil sa naturang pagtaas.
Sa isang video message sa Facebook, sinabi ni Health Secretary Teodoro Herbosa na ang mas malaking problema ng bansa sa ngayon na dapat tutukan ay hindi ang mpox, kundi ang HIV dahil sa pagtaas ng mga kaso nito, partikular na sa mga kabataan na nagkaka-edad ng 15 hanggang 25 taong gulang.
Iniulat din ni Herbosa na ang pinakabatang na-diagnose nila na may HIV ay isang 12-anyos na bata na taga-Palawan.
“Five hundred percent increase po tayo ng HIV cases sa mga edad 15 hanggang 25. In fact, ang pinakabatang na-diagnose natin ay batang 12-anyos sa probinsiya ng Palawan,” ayon kay Herbosa.
Dagdag pa niya, “Sa datos natin tayo na ang pinakamataas na new cases sa Western Pacific Region. Ang nakakatakot lang maraming new cases sa ating kabataan.”
Nagpahayag din pangamba ang DOH chief na kung hindi mapipigilan ang naturang trend, maaaring umabot sa hanggang 400,000 ang bilang ng mga taong may HIV sa bansa o ‘people living with HIV’.
“‘Pag hindi po natin napigilan ang pagdami ng HIV, aabot tayo sa lampas 400,000 people living with HIV,” ani Herbosa.
Batay sa datos ng DOH, ang newly-diagnosed HIV cases sa bansa ay tumaas ng 2.3 beses sa nakalipas na 10 taon, mula sa 21 lamang kada araw noong 2014 ay naging 48 noong 2024.
Mayroon naman umanong 56 kaso kada araw na naitatala mula Enero hanggang Abril 2025, na 44% na mas mataas kumpara sa kahalintulad na petsa noong nakaraang taon.
“Diagnosed HIV cases are getting younger. The predominant age group shifted from among 35-49 years old in 2002 to 2005, to 25-34 years old from 2006 onwards,” ayon pa sa DOH.
“Kaya maganda na magkaroon tayo ng national public health emergency for HIV dahil magtutulong-tulong ang buong lipunan, whole of society and whole of government can help us in this campaign na mapababa ang new cases of HIV,” dagdag pa ni Herbosa.
Kaugnay nito, hinikayat din naman ng DOH ang publiko na magsagawa ng preventive measures gaya ng pagsailalim sa HIV test, na libre lamang at confidential; magpraktis ng Combination Prevention Method kabilang na ang condom, lubricant at pre-exposure prophylaxis medicine na nakakabawas ng panganib na mahawahan ng HIV infection.
Makabubuti rin anila kung sasailalim sa regular na konsultasyon at magkaroon ng antiretroviral therapy para sa mga taong nangangailangan nito.