Naghain ang direktor na si Darryl Yap ng "not guilty plea" sa reklamong cyber libel na isinampa laban sa kaniya ng TV host-actor na si Vic Sotto, na nag-ugat sa teaser ng biopic movie ng sexy star na si Pepsi Paloma.
Inulat ng ABS-CBN News na naganap ang arraignment sa pagitan ng kampo nina Yap at Sotto sa Muntinlupa Regional Trial Court ngayong Martes, Hunyo 3. Humarap ang direktor sa korte kasama ang abogado niyang si Atty. Raymond Fortun.
Ayon kay Fortun, naghain nga ng not guilty plea ang kaniyang kliyente para sa two counts ng cyber libel case na isinampa laban sa kaniya ni Sotto.
"During pre-trial, we try to agree on certain facts then there will be disclosure of yung mga evidences that are going to be presented," ani Fortun.
Bago maganap ang pagdinig sa kaso sa Agosto 19, magkakaroon daw muna ng mandatory mediation conference, na nakasaad din naman sa Saligang-Batas.
Sa panayam naman ng PEP sa abogado ni Sotto, natanong daw ang legal counsel niyang si Atty. Enrique dela Cruz kung papayag siyang paareglo kay Yap.
"Bago mag-umpisa 'yong trial, 'Lalaban tayo', iyan ang instruction niya sa amin," pahayag daw ng abogado.
"Hindi pa namin siya uli nakakausap kung open siya sa amicable settlement kaya binuksan 'yong pagkakataon. Mandatory 'yong pre-trial… 'yong mediation, we’ll ask him again. The last time na nagkausap kami, ang sabi niya, 'Proceed tayo to trial. Let the courts decide.'"
Hindi naman daw nagpa-interview sa media si Yap pagkatapos ng pagharap sa korte.
MAKI-BALITA: Vic Sotto, maghahain daw ng reklamo laban kay Darryl Yap!
MAKI-BALITA: Vic Sotto at Darryl Yap, nagharap na sa korte