Aminado ang dating "Pinoy Big Brother" housemate at naging direktor at writer na si Fifth Solomon sa mga hinanakit niya sa kalagayan ng pelikulang Pilipino sa bansa.
Mababasa sa kaniyang Facebook post noong Linggo, Hunyo 1, "NAKAKALUNGKOT NA LAGAY NG PELIKULANG PILIPINO SA SARILING BAYAN!!!"
Nag-ugat ang kaniyang hinaing dahil sa kaniyang pelikulang "Lasting Moments" na may playdate na Hunyo 4 sa mga sinehan.
Ayon daw sa mga distributor, hirap daw makapasok sa sinehan ang pelikula niya dahil mas inuuna raw ang mga banyagang pelikula.
"Papunta na tayo sa playdate ng pelikula kong Lasting Moments (June 4 Wednesday), kaya nagbigay na ng update ang aming distributor. Sabi nila, hirap daw kaming makapasok sa mga sinehan. Iilan pa lang ang pumayag na ipalabas kami. Ang dahilan? Mas pinaprioritize daw ng mga sinehan at malls ang mga pelikulang banyaga."
"Masakit at nakakalungkot isipin. Tila nanlilimos pa ang mga Pilipinong filmmaker sa sarili nilang bayan, para lang maipalabas ang sariling atin."
"Oo, siguro nga mas tinatao at mas pinipili ng mga manonood ang foreign films. Oo, mas kumikita siguro ang malls at sinehan sa mga banyaga. Pero kailan natin uunahin ang atin?" aniya pa.
Kinalampag naman ng direktor ang pamahalaan, maging ang Film Development Council of the Philippines (FDCP) sa kakulangan daw ng pagsuporta para sa mga lokal na pelikula na maipalabas sa sariling bansa.
Samantala, wala pang reaksiyon, tugon, o pahayag tungkol dito si FDCP chairman Jose Javier Reyes.