Nangalampag ang direktor-scriptwriter na si Fifth De Leon sa gobyerno, mga mambabatas, at pamunuan ng Film Development Council of the Philippines (FDCP) hinggil sa kanilang konkretong aksyon para sa lagay ng pelikulang Pilipino sa bansa.
Nag-ugat ang kaniyang hinaing dahil sa kaniyang pelikulang "Lasting Moments" na may playdate na Hunyo 4 sa mga sinehan. Pinagbibidahan ito nina JM De Guzman at Sue Ramirez.
Ayon daw sa mga distributor, hirap daw makapasok sa sinehan ang pelikula niya dahil mas inuuna raw ang mga banyagang pelikula.
Mababasa sa kaniyang Facebook post noong Linggo, Hunyo 1, "NAKAKALUNGKOT NA LAGAY NG PELIKULANG PILIPINO SA SARILING BAYAN!!!"
"Papunta na tayo sa playdate ng pelikula kong Lasting Moments (June 4 Wednesday), kaya nagbigay na ng update ang aming distributor. Sabi nila, hirap daw kaming makapasok sa mga sinehan. Iilan pa lang ang pumayag na ipalabas kami. Ang dahilan? Mas pinaprioritize daw ng mga sinehan at malls ang mga pelikulang banyaga."
"Masakit at nakakalungkot isipin. Tila nanlilimos pa ang mga Pilipinong filmmaker sa sarili nilang bayan, para lang maipalabas ang sariling atin."
"Oo, siguro nga mas tinatao at mas pinipili ng mga manonood ang foreign films. Oo, mas kumikita siguro ang malls at sinehan sa mga banyaga. Pero kailan natin uunahin ang atin?" aniya pa.
Kinalampag naman ng direktor ang pamahalaan, mga mambabatas, maging ang FDCP sa kakulangan daw ng konkretong aksyon kaugnay sa pelikulang Pilipino.
"Nasaan ang suporta? Nasaan ang konkretong aksyon ng ating gobyerno, ng mga mambabatas, ng Film Development Council of the Philippines? Bago tayo tumakbo at magparada ng festival sa ibang bansa, baka kailangan muna nating ayusin ang bulok na sistema rito."
"Tandaan natin: ang sining gaya ng pelikula ay repleksyon ng kultura ng isang bansa."
"Tingnan natin ang industriya ng Korean entertainment—may sapat na suporta at pondo mula sa kanilang gobyerno. Dahil dito, kahit hindi Ingles ang kanilang pangunahing wika, naipalaganap nila ang kanilang kultura sa buong mundo."
"Ngayon, kilala na ng iba’t ibang lahi ang mga Koreanong pelikula, TV series, fashion, make-up, beauty products, pagkain, at turismo."
"Paano ba natin mahihikayat ulit ang mga Pilipino na manood ng pelikulang Pilipino sa sinehan?"
"Tama ba na 50-50 ang hatian ng kita ng sinehan at producer?"
"Tama ba na may 10% amusement tax at 12% VAT pa sa bawat ticket na kinikita ng pelikula? Sa panahon ng streaming, may laban pa ba ang pelikulang Pilipino sa sinehan?"
KAUGNAY NA BALITA: Fifth Solomon, naglabas ng sentimyento sa lagay ng pelikulang Pilipino
Samantala, wala pang reaksiyon, tugon, o pahayag tungkol dito si FDCP chairman Jose Javier Reyes.