Nasagip ng Biliran Police ang isang lalaking turista na sinubukan umanong languyin ang karagatan ng Kawayan patungong Maripipi island.
Ayon sa mga ulat, kinapos ng pamasahe ang lalaking kinilalang si alyas "Nathan," 37 taong gulang na mula sa Ormoc City.
Natagpuan siya ng mga awtoridad na halos kalahati na raw ang layo mula sa karagatan habang nagpapalutang-lutang sa salbabida matapos tangkaing languyin ang kabilang isla.
Ayon naman sa mga awtoridad, ilang concerned citizens daw ang nagtimbre sa kanila hinggil sa taong palutang-lutang umano sa gitna ng karagatan.
Matapos ma-rescue ay agad siyang binigyan ng tulong medikal. Hindi na rin daw tumuloy pa sa bakasyon ang lalaki at nagpasya na lamang umuwi.
Samantala, nagpaabot din ng tulong pinansyal ang mga awtoridad ng Kawayan Police upang tuluyang makabalik ng Ormoc City ang lalaki.