Hindi sang-ayon si Sen. Jinggoy Estrada sa pagpili kay Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) Chief Nicolas Torre III bilang susunod na hepe ng Philippine National Police (PNP).
Sa isang radio interview nitong Sabado, Mayo 31, 2025, diretsahan niyang sinabing arogante raw si Torre.
"For me, kung ako ang tatanungin, that's not a good choice. Ngayon lang tayo magkakaroon ng napakaaroganteng Chief PNP," ani Estrada.
Nang tanungin naman kung ano ang kaniyang expectation sa magiging liderato ni Torre sa kapulisan, sagot ni Estrada, "I do not know. That remains to be seen. If he will continue his arrogant ways in governing the police force, I don't know what will happen."
May payo rin si Estrada para kay Torre, hinggil naman sa tiwalang pagpili sa kaniya ni Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos, Jr.
"May tiwala sa kaniya ang Pangulo, so be it. Eh 'di sana mag-perform siya na maganda. Sana huwag n'ya sirain yung pagtitiwala ng Pangulo sa kaniya," anang senador.
Matatandaang noong Mayo 29, nang kumpirmahin ni Executive Secretary Lucas Bersamin na si Torre ang susunod na PNP Chief matapos ang nakatakdang pagreretiro ni Gen. Rommel Marbil.
KAUGNAY NA BALITA: Torre, nakatakda maging ikaapat na hepe sa ilalim ng PBBM admin