Patay ang 12-anyos na dalagita habang sugatan naman ang kaniyang 25 taong gulang na kapatid matapos silang pagsasaksakin sa loob ng bahay ng kanilang lola sa Barangay Maramag, Balangkayan sa Eastern Samar.
Ayon sa mga ulat, pinasok ng 37 taong gulang na suspek ang bahay kung nasaan ang magkapatid na biktima, dala ang hinihinalang isang kitchen knife na ginamit sa krimen.
Lumalabas sa imbestigasyon na nagtamo ng tama sa dibdib at nasawi ang babaeng biktima habang sugatan naman ang tagiliran ng lalaking biktima na nakatakas upang humingi ng tulong.
Batay sa salaysay ng mga awtoridad, posible raw na nakainom ang suspek bago atakihin ang mga biktima. “Tsismis” ang tinitingnang motibo ng pulisya na ipinagkakalat umano ng magkapatid na biktima laban sa suspek.
Samantala, matapos magtangkang tumakas, nasakote na ng pulisya ang suspek na nahaharap sa kasong murder at frustrated murder.