Kinilala at nakatanggap ng parangal ang "Liwayway Magazine" ng Manila Bulletin Publishing Corporation sa naganap na Go Negosyo Creative Entrepreneurship Summit sa Ayala Malls Manila Bay, Sabado, Mayo 31.
Ang nabanggit na parangal ay tinanggap ni Manila Bulletin Publisher Sec. Sonny Coloma.
Ang Liwayway Magazine, ay itinuturing na "oldest Tagalog language magazine" ng Pilipinas, na naging tuntungang-bato o platform upang mabasa ang iba't ibang akdang pampanitikang Pilipino, at mailathala ang mga obra maestra ng mga sikat na manunulat na Pilipino ng bansa, kagaya nina Jose Corazon de Jesus, Lope K. Santos, Patrocinio Villafuerte, Severino Reyes, Cirio Panganiban, Tomas De Jesus, at iba pa.
Isinilang ang Liwayway Magazine noong Nobyembre 18, 1922. Pero bago nito, nagsimula ang kasaysayan ng magasin bilang "Photo News" noong Hunyo 15, 1922.
Ayon pa sa Liwayway, pagkaraan ng limang buwan o ng sampung bilang ng photo news, ang magasing ito ay lumabas na may pabalat na "PHOTO NEWS MAGIGING LIWAYWAY" noong Nobyembre 1922.
Paliwanag ng pamunuan ng magasin kung bakit ganito ang naging pangalan ng magasin, “Napili namin ang pangalang 'LIWAYWAY' sa pag-asang ang rebistang ito’y makapaghandog ng panibagong buhay at sigla sa bayan, gaya rin naman ng biyayang tinatamo ng daigdig sa unang ngiti ng araw sa madaling-araw na dili iba’t ang bukang-liwayway.”
Sa kasalukuyan, patuloy itong naghahatid ng pagkakataon sa mga baguhan at batikang manunulat na maitampok ang kanilang mga akdang nasusulat sa wikang Filipino at iba pang umiiral na wika sa Pilipinas.
Nagpasalamat naman sa Go Negosyo, sa pangunguna ng punong patnugot na si Perry Mangilaya, ang buong pamunuan ng Liwayway Magazine.
"Maraming salamat Go Negosyo's Creative Entrepreneurship Summit sa parangal na inyong ipinagkaloob," mababasa sa Facebook post na nasa opisyal na Facebook page ng Liwayway Magazine.
Pagbati, Liwayway Magazine!