June 07, 2025

Home BALITA National

DOH, nanawagan kontra fake news; lockdown dahil sa Mpox, pinabulaanan!

DOH, nanawagan kontra fake news; lockdown dahil sa Mpox, pinabulaanan!
Photo courtesy: DOH/Facebook, Pexels

Naglabas ng pahayag ang Department of Health (DOH) hinggil sa kumakalat umanong mga social media posts tungkol sa pagkakaroon ng lockdown kaugnay ng Mpox.

Sa kanilang Facebook post nitong Sabado, Mayo 31, 2025, tahasang iginiit ng ahensya na hindi umano kailangang magpatupad ng lockdown bunsod ng banta ng naturang sakit.

"Walang pangangailangan magkaroon ng lockdown dahil sa Mpox dahil hindi ito airborne. Nagpapaalala ang DOH na huwag paniwalaan ang mga kumakalat na pekeng Facebook post na may mapanlinlang na marketing strategy, pekeng endorsement mula sa mga eksperto, at hindi makatotohanang mga pahayag tungkol sa kalusugan," anang ahensya.

Paglilinaw pa ng DOH, mas mababa pa rin daw ang kaso ng Mpox ngayong buwan ng Mayo 2025 kumpara noong 2024.

National

CEAP, iginiit pagpapanatili ng Ethics sa college curriculum

"Mas marami pang Mpox noong 2024. Mas marami ring naitala [noong] Abril kaysa ngayong Mayo 2025. Nagkataon lamang na nag-heheadline dahil aktibo at nag-aanunsyo na ngayon ang mga LGU," saad nila.

Kaugnay naman ng Mpox variant na nandito sa bansa, iginiit din ng DOH na nananatiling Clade II pa rin ang umiiral sa mga nagpopositibo.

"Wala pa ring Mpox Clade I-b na nakikita dito sa Pilipinas. Panay Clade II ang mayroon [sa atin]. Mas mababa ang mortality (pagkamatay) ng Clade II, nasa mga isa sa bawat sampu, kumpara sa 4-5 ng Clade I-b.

Matatandaang umingay muli ang bali-balita sa pagkalat ng Mpox sa bansa matapos magpositibo ang 10 katao sa South Cotabato at Davao del Sur. Sinundan pa ito ng iba pang kumpirmasyon sa ibang lalawigan katulad ng Iloilo sa Visayas at Laguna sa Luzon.

KAUGNAY NA BALITA: 10 kaso ng MPOX, naitala sa South Cotabato

KAUGNAY NA BALITA: Mga taga-Davao Del Sur, Compostela required mag-face mask dahil sa mpox