June 08, 2025

Home SHOWBIZ Tsika at Intriga

Banat ni Javi Benitez: 'Mga totoong nakakaalam ng buong kuwento, tahimik lang!'

Banat ni Javi Benitez: 'Mga totoong nakakaalam ng buong kuwento, tahimik lang!'
Photo courtesy: Javi Benitez (IG)

Makahulugan ang Instagram post ng aktor at Mayor ng Victorias City, Negros Occidental na si Javi Benitez na bagama't hindi niya hayagang tinukoy, ay patungkol sa kinasasangkutang intriga ngayon ng kaniyang amang si Bacolod City Mayor Albee Benitez, na nanalo naman sa pagkakongresista ng lone district of Bacolod sa nagdaang 2025 National and Local Elections.

Nag-ugat ang intriga sa kumalat na sworn complaint affidavit ng umano'y pagsasampa ng kaniyang inang si Dominique “Nikki” Lopez Benitez sa kaniyang estranged husband na si Albee Benitez, sa umano'y paglabag sa Anti-Violence Against Women and Their Children Act (VAWC), matapos daw magkaroon ng "emotional at psychological abuse" ang estranged wife sa "extra-marital affairs" ng estranged husband.

Nabanggit umano sa naturang dokumento ang pangalan ng Kapamilya star-vlogger na si Ivana Alawi.

Isinampa ang reklamo sa Makati City Regional Trial Court.

Tsika at Intriga

Kat Domingo, pumalag sa nagsabing 'wag na lang pansinin' kabastusan

Isang nagngangalang Jonathan Dela Cruz ang nagbahagi ng dokumento ng complaint-affidavit sa social media.

Matatandaang naisyu na noong 2024 si Alawi kay Benitez matapos raw silang maispatang magkasama sa Japan.

Nauna na ring itinanggi ni Mayor Albee ang tungkol sa pagkaka-link niya kay Ivana, ayon na rin sa naibalita ni Ogie Diaz sa "Ogie Diaz Showbiz Update."

Pasimple ring sinabi ni Ivana na hindi totoo ang nabanggit na mga tsika, at kung anuman ang mga property na mayroon siya ngayon, ay dahil iyon sa mga pagsisikap niya bilang isang content creator at celebrity.

KAUGNAY NA BALITA: Ivana Alawi, nakaladkad sa VAWC case ng estranged wife ni Albee Benitez

Kaya naman, sa Instagram post ni Mayor Javi, sinabi niyang ayaw na sana niyang magsalita hinggil sa isyu, subalit batid daw niyang hindi niya ito maiiwasan.

"Ayoko na sanang magsalita, pero alam kong hindi ko rin ito maiwasan," aniya.

"Ang mga totoong nakakaalam ng buong kwento… tahimik lang. Hindi sila nasa balita. Hindi rin sila nagpo-post."

"Ang hiling ko lang: sana magkaintindihan pa rin ang mga magulang ko, bilang magulang namin ni Bettina, at kung maaari pa, bilang mag-asawa rin," aniya pa.

"Sana balang araw, makahanap din kami ng tamang pag-ibig. ’Yung hindi nasusukat sa pera, status, o panlabas na imahe... kundi sa respeto, lambing, at tunay na partnership sa buhay."

"Gusto ko rin pasalamatan ang lahat ng tahimik na nag-abot ng malasakit: sa message, tawag, o kahit simpleng dasal. Salamat. Alam ko, hindi lang kami ang may ganitong sitwasyon pero sana maiayos din sa huli."

"Move on na tayo sa chismis, fake news, at paid drama. Ang dami pa nating kailangang ayusin sa bansa. Doon tayo mag-invest ng energy."

"Sa huli, hindi views, likes, o pera ang sukatan ng tao, kundi ang puso."

"Let’s choose to be kind," aniya pa.

Kalakip ng post ang throwback photo nilang mag-anak na kuha pa noong Disyembre 2023. 

Naglabas naman ng pahayag tungkol dito ang legal counsel ni Benitez.

KAUGNAY NA BALITA: Kampo ni Rep. Albee Benitez, pinabulaanan alegasyon ng kaniyang estranged wife

Samantala, wala pang reaksiyon, tugon, o pahayag tungkol dito ang kampo ni Ivana.