Kinumpirma ng Department of Transportation (DOTr) na inihahanda na ang implementasyon ng cashless system sa MRT at LRT stations.
Ayon sa press release ng Presidential Communications Office (PCO) noong Biyernes, Mayo 30, 2025, maaari nang magamit ang mga ATM at credit cards at maging ang e-wallets upang makabawas daw sa bawas ng pila sa bawat estasyon.
"Mga bandang July ito, if I'm not mistaken. I-implement na natin sa MRT at sa ibang mga tren natin. Alam ko pati credit card puwede na. Ita-tap mo na lang yung phone mo. hindi na kailangan bumili ng Beep card," ani DOTr Sec. Vince Dizon.
Pahaging pa ni Dizon, "Nagtataka nga ako bakit hindi ito kaagad na-implement, yun naman pala kaya iimplement kaagad-agad itong cashless options sa MRT."
Saad pa ni Dizon, ang naturang nakatakdang implementasyon ng cashless system sa lahat ng linya ng tren ay alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos, Jr.
"Nakikita na naman natin ito sa ibang bansa. So, iyon ang sabi ng ating Pangulo, gawin na rin natin yung mga modern facilities sa ibang bansa dito para sa mga kababayan natin," anang DOTr Secretary.
Samantala, kasalukuyan na raw nakikipag-ugnayan ang ahensya sa mga transport operators at financial service providers para sa nakatakdang pilot testing ng implementasyon ng cashless collection system sa Hulyo.