Usap-usapan sa social media ang bakbakan umano ng dalawang grupo ng zumba dancers sa Koronadal City.
Ayon sa mga ulat, nag-umpisang nagkainitan ang dalawang grupo nang agawin ng isang babae ang mikropono sa isang lalaking nagsasalita sa sports complex. Giit umano ng babaeng nang-agaw ng mic, ang kanilang grupo lang daw ang nag-iisang awtorisadong zumba group sa kanilang lugar.
Dito na raw uminit ang sumunod na mga eksena matapos na hindi sumang-ayon ang grupo ng lalaking inagawan ng mic. Mapapanood din sa video kung paano sinakmal ng isang babae ang mukha ng lalaking naunang maghawak ng microphone.
Ilang sandali pa, isang lalaki ang makikitang nakigulo na rin sa rambol ng mga zumba dancers at nakipagsuntukan sa naunang lalaking nagsasalita.
Naawat naman ng mga awtoridad ang rambol kung saan napag-alamang din agad na nagkasundo ang dalawang lalaking nagsuntukan. Ngunit tumanggi umanong makipag-ayos ang grupo ng mga kababaihan.
Samantala, bunsod ng naturang insidente, suspendido na muna ang lahat ng zumba sessions sa nasabing sports complex.