Nagbigay ng saloobin, komento, at payo ang showbiz insider na si Ogie Diaz patungkol sa content creators at social media influencers na nagsasabi ng hindi magandang mga pahayag sa kanilang food review, lalo na kapag hindi sila nasarapan.
Bagama't walang binabanggit na pangalan at isyu, timing ito sa pinag-uusapang bad review ni "Pambansang Yobab" Euleen Castro sa isang coffee shop sa Iloilo, na pati ang mayor ay pumalag at nakiusap sa mga Ilonggo na huwag nang i-share o i-view ang nabanggit na video post.
KAUGNAY NA BALITA: Iloilo City Mayor umapela sa mga Ilonggo ukol sa video ni Euleen Castro
KAUGNAY NA BALITA: Coffee shop, umalma sa bad review ni Euleen Castro
Sa Facebook post ni Ogie, Huwebes, Mayo 29, sinabi niyang ang nagturo daw sa kaniya na huwag sasabihing hindi masarap ang isang pagkain ay si Kapamilya actor-TV host Enchong Dee.
"Si Enchong Dee ang nagturo sa akin na, 'Pag hindi ka nasarapan sa pagkain, ‘wag mong i-post na hindi masarap. Sabihin mo lang, hindi nakapasa sa panlasa mo. Kasi, hindi naman magkakapareho ang taste buds natin. Pwedeng hindi masarap sa ‘yo, pero sa iba, masarap.”
"Hangga’t kakayanin, hindi tayo para manira ng negosyo, lalo na sa food business. At online food delivery. Basta pag pinadadalhan ako para matikman ang kanilang produkto, thank you. Pero pag di ko type yung luto o yung lasa, pina-private message ko at nagsa-suggest ako," ani Ogie.
"Siyempre, iniisip ko din, baka doon sa negosyong yon humuhugot ng pambayad ng kuryente at tubig yung tao o kaya ay pang-tuition ng anak, nagpapasweldo sa mga tauhan, tapos, sisirain ko lang? Wag. Hindi tama."
"Kung hindi masarap, dini-dm ko para i-improve niya. Juice ko, sa panahon ngayon na me mental health na inaaalala ang mga tao sa kanilang sarili, baka ‘yun pang post mong “hindi masarap yung luto o lasa ng pagkain mo,” yun pa ang maging sanhi ng kanyang mental health issue, di ba?"
"Kaya sabihin nang maayos. Hindi naman porke nagbayad ka ay lahat ng karapatan ay nasa ‘yo na para laitin ‘yung kinain mong di ka naman nasarapan."
"Tulungan mo ‘yung negosyong mag-improve at lumago para mas marami pa itong matulungan."
Inisa-isa naman ni Ogie ang mga food business na sa kaniyang palagay ay nakasundo ng dila niya ang mga natikman niyang paninda nila.
Kaya naman paalala niya sa vloggers at influencers, "O, basta doon sa mga vloggers/influencers na nagpu-food review, pag di nasarapan, tawagin ‘yung staff at sabihin nang maayos ang complaint. Hindi porke me platform ka eh dapat ka nang katakutan, dahil kilala kang nagsasabi nang totoo."
"Di ba pwedeng magsabi nang totoo at mag-suggest sa mismong may-ari o staff off cam and in private? Hindi lahat sana for the views. For the love and concern din," aniya pa.