Mandatoryo ang pagsusuot ng face mask sa mga taga-Davao del Sur province at bayan ng Compostela sa Davao de Oro dahil sa kaso ng monkeypox o mpox sa ilang bahagi ng Mindanao.
Parehong naglabas ng executive order tungkol dito sina Davao del Sur Gov. Yvonne Cagas (Executive Order No. 20, Series of 2025) noong Mayo 28 at si Compostela Mayor Levi Ebdao (Executive Order No. 40, Series of 2025) naman nitong Mayo 29.
Required ang pagsusuot ng face mask sa mga pampublikong lugar gaya ng palengke, simbahan, paaralan, mga opisina, pampublikong transportasyon, business establishments, gayundin sa indoor public at enclosed spaces.
Inaasahan ding nakasuot ng face mask ang mga residente sa mga mataong outdoor area, lalo na kung mahirap ma-maintain ang physical distancing, na nauso sa panahon ng COVID-19 pandemic.
Inilabas ang kautusang ito matapos magkaroon ng kaso ng mpox sa Magsaysay, Davao Del Sur.
Batay sa latest update ng Davao de Oro Provincial Health Office, isang kumpirmadong kaso at tatlong pinagsususpetsahan pa lamang ang naitala sa kanilang lalawigan.