Itinalaga ni Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos, Jr. ang dekana ng University of the Philippines College of Law at de-kalibreng abogadong si Darlene Berberabe bilang bagong Solicitor General, kapalit ni Menardo Guevarra na kasama sa nagsumite ng "courtesy resignation" na inapela ng Pangulo sa mga miyembro ng Gabinete niya.
Pinangunahan ni PBBM ang oath-taking ni Berberabe sa Malacañang ngayong Huwebes, Mayo 29.
Si Berberabe ay kasalukuyang dekana o dean ng UP College of Law. Siya ay nagtapos bilang summa cum laude sa degree program na Philosophy mula sa nabanggit na unibersidad, at salutatorian ng UP Law noong 1999.
Hindi ito ang unang beses na maninilbihan sa pamahalaan ang bagong SolGen. Siya ang naging hepe ng Pag-IBIG Fund sa panahon ni dating Pangulong Noynoy Aquino.
Bilang SolGen, siya ang kakatawan sa pamahalaan para sa legal proceedings na kahaharapin ng bansa.