Inihayag ng Commission on Elections (Comelec) na damay raw ang ₱2,000 insentibo ng mga guro sa darating na Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) matapos matapyasan ang pondo ng komisyon.
Sa isinagawang MACHRA Balitaan nitong Huwebes, Mayo 29, 2025, ipinaliwanag ni Comelec Chairman George Erwin Garcia na tinatayang nasa ₱3 bilyon daw ang inalis sa kanilang pondo para sa paparating na BSKE sa Disyembre 2025—dahilan upang madamay ang honoraria para sa mga guro muling nagsisilbi sa eleksyon.
“Ang dapat na budget po para sa Barangay and SK Elections, ay ₱14 bilyon, subalit kami po ay nabigyan lamang ng ₱11 bilyon,” saad ni Garcia.
Paglilinaw pa ni Garcia, “Kung ano po yung inincrease na honoraria ng Nationals and Local Elections (NLE) ay mawawala po pagdating ng Barangay and SK Elections. Yung across the board na ₱2,000 ay mawawala po sa BSKE. Sadya pong napakalaki ng nawala sa aming budget ngayon, sapagkat kahit yung voters education program natin ay masasakripisyo.
Saad pa ni Garcia, umaasa rin daw siya na mapapakinggan ng incoming 20th Congress na isabatas na raw ang honoraria na dapat na ibinibigay sa mga guro sa tuwing sasapit ang eleksyon.
“Kung may automatic institutionalize na nakalagay every year ganito yung idadagdag sa kanila, hindi na namin ihihingi yun sa Comelec. Awtomatikong ibibigay na sa amin na dapat may increase. Hindi po yung ganito na nakadepende kung bibigyan tayo o hindi,” anang Comelec Chairman.
Iginiit niya rin nauunawaan niya raw ang dinaranas ng mga guro sa tuwing sasapit ang eleksyon kung kaya’t nararapat lamang daw na maibigay kung ano ang para sa kanila.
“Palagay ko po, kahit hindi mismo sinasabi ng mga guro, nararapat lang po ‘yon. Nakita po namin yung sakripisyo na ibinigay nila sa amin, at lalong-lalo na nitong nakaraang eleksyon. Sa sobrang daming botantent bumoto sa bawat presinto, sobrang dami po talaga na napakainit sa presinto, and yet pagtiyagaan po nila,” aniya.
Ayon pa kay Garcia, bunsod ng inaasahang pagdami pa ng mga botanteng magpaparehistro para sa BSKE, maaari daw pumalo sa isang milyon ang kakailanganin nilang guro para sa naturang eleksyon. Higit na may marami kumpara umano sa 700,000 guro na nagsilbi nitong nakaraang Halalan.