Inihayag ng Commission on Elections (Comelec) na hindi na nila papayagang gamitin ang mga Barangay Certificate bilang “proof of residency” sa voters registration.
Ayon kay Comelec Chairman George Erwin Garcia nitong Huwebes, Mayo 29, 2025, nagagamit umano ang mga Brgy. Certificate upang humakot lamang ng mga botante ang ilang kandidato.
“Nire-revise na po namin yung guidelines namin sa registration. Tinatanggal na po namin ang Barangay Certifications bilang ebidensya na pwedeng gamitin para pagpapatunay daw na taga doon yung mismong tao,” ani Garcia.
Dagdag pa niya, “Dahil sa napakadami naming inimbistagahan at kinasuhan na mga barangay officials dahil sa aming palagay ‘yan ay ginamit, na-weaponize upang mahakot yung ibang tao doon sa ibang lugar. At palabasin na sila ay taga dito.”
Saad pa ni Garcia, hindi na raw nila isasali sa listahan ng mga requirements sa proof of residency ang Barangay Certificates sa darating na voters registration sa Hulyo para sa Barangay and Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) sa Disyembre.
“Tatanggalin namin doon sa enumeration ng mga pupwedeng gamitin as evidence of residency, tatanggalin namin ang Barangay Certification.
Inaasahang nasa isang milyong mga Pilipino raw ang magpaparehistro para sa BSKE habang posible naman daw itong pumalo sa ng tatlong milyon sa Presidential Elections sa 2028.