Mukhang may malaking pasabog ang nagbitiw na Miss Grand International 2024 na si Rachel Gupta hinggil sa tunay na dahilan kung bakit isinauli niya ang korona sa management na nasa likod ng nabanggit na beauty pageant.
Nagulantang ang pageant fans nang i-anunsyo ni Gupta mula sa bansang India ang pagbibitiw niya at pagsasauli ng titulo at korona.
"To all my supporters around the world: I’m truly sorry if this news has disappointed you. Please know this wasn’t an easy decision, but it was the right one for me," mababasa sa Instagram post ni Gupta.
"The truth will come out very soon."
"I love you all more than words can express. Thank you for standing by me," aniya pa.
Kalakip ng kaniyang post ang isang art card na naglalaman ng kaniyang opisyal na pahayag, na tila makahulugan at masasabing may hindi magandang karanasan si Gupta habang hawak niya ang titulo at nakaputong sa kaniya ang korona.
"However, the months following my crowning have been marked by broken promises, mistreatment, and a toxic environment I can no longer endure in silence," bahagi ng opisyal na pahayag ni Gupta.
Hindi raw madali ang kaniyang ginawa subalit ipinangako ni Gupta na maglalabas siya ng statement patungkol dito sa pamamagitan ng isang video.
Hiling ni Gupta na bigyan siya ng compassion ng mga tao at patuloy pa rin siyang suportahan.
Itinanghal na Miss Grand International 2024 ang kandidata ng India na si Rachel Gupta, sa naganap na coronation night noong Oktubre 25, 2024 sa MGI Hall, Bravo BKK Mall, sa Bangkok, Thailand.
Ang pambato naman ng Pilipinas na si CJ Opiaza mula sa Zambales ang first runner-up.
Ang kalahok naman mula sa Myanmar na si Thae Su Nyein ang second runner-up, Safiétou Kabengele ng France ang third runner-up, at kinatawan ng Brazil na siTalita Hartmann ang fourth runner-up.
KAUGNAY NA BALITA: Rachel Gupta nagbitiw bilang Miss Grand International 2024
Samantala, naglabas na rin ng opisyal na pahayag ang MGI tungkol dito sa pamamagitan ng Instagram post.