Nagsalita na si Jovie Gatdula Albao matapos pumanaw ang mister niyang si singer-songwriter at OPM icon Freddie Aguilar.
Sa latest Facebook post ni Jovie noong Martes, Mayo 27, sinabi niyang magpapakabuti raw siya dito sa mundo upang makasama niya si Freddie sa Jannah.
Sa relihiyong Islam, ang Jannah ay tumutukoy sa paraiso kung saan napupunta ang mga gumagawa ng mabuti at naniniwala kay Allah.
“I will live a good life so I can meet you in Jannah. Inna Lillahi wa inna ilayhi raji'un, to Allah we belong and to Allah we shall return,” saad ni Jovie.
Dagdag pa niya, “This is not goodbye, just farewell for now. Mahal na mahal kita, hanggang sa muli bhabe. It was a good fight, because we are fighting together.”
Matatandaang bago namaalam si Freddie ay tila positibo pa si Jovie base sa post na ibinahagi nito sa kaniyang Facebook account.
Aniya, “Ang daming nangyayari this week, maraming nakakaiyak na moments pero hindi pa tayo pwedeng maging mahina. Kailangan ko palaging maging malakas para mabantayan ko sya oras-oras.”
Ngunit sa kasamaang-palad ay tuluyan nang binawian ng buhay ang OPM icon sa edad na 72.
MAKI-BALITA: Misis ni Freddie Aguilar, nagpakatatag bago pumanaw ang OPM icon