Tinawag ni Harry Roque na "fake news" ang naging pahayag ng Department of Justice (DOJ) na mayroon siyang dalawa o tatlong passport.
Sa panayam ng media kay DOJ Sec. Jesus Crispin Remulla kamakailan, nabanggit niyang may iba pang passport si Roque matapos nilang ihain ang isang mosyong magkakansela sa passport nito.
"It will limit his options. I think he holds two or three passports pa nga eh. May nagsabi sa akin ng ganoon. Ang mahalaga, talagang mapilitan siya mag-account sa kaniyang mga ginawa dito at at depansahan niya ang sarili niya," anang DOJ secretary.
Sa isang pahayag nitong Martes, Mayo 27, sinabi ni Roque na "fake news" ang naturang impormasyon tungkol sa kaniyang passport.
"Fake news ang pinapakalat ng Marcos Jr. administration na mayroon daw akong multiple passports. Ni Hindi nga masabi ng Department of Justice kung dalawa o tatlo ang aking pasaporte. May nahilo na naman," pahayag ni Roque.
Giit pa niya, isang regular passport lang ginagamit niya at ito raw ay nasa mga awtoridad ng Dutch para sa kaniyang asylum application sa Netherlands.
"For the record, I am currently using one regular passport, because the other regular one (still current) has no more blank pages," aniya.
"The Department of Foreign Affairs would certainly know that the previous current one is cancelled without prejudice. My regular passport is presently with the Dutch authorities as part of my asylum application," dagdag pa niya.
"Also, I am no longer using a diplomatic passport since I left government several years ago."
Sa huli, pinag-iingat niya ang mga Pinoy dahil sa mga umano'y fake news.
"Mga kababayan, mag-ingat po tayo sa naglipanang fake news. Itotodo na nila ang paninira sa akin."