Inanunsyo ng Manila Metropolitan Development Authority (MMDA) at Department of Transportation (DOTr) ang mga ipapatupad nila sa nakatakdang pagsisimula ng EDSA rehabilitation sa Hunyo.
Sa press conference nitong Lunes, Mayo 26, 2025, binagyang-diin ng MMDA at DOTr ang ilang serbisyong ipapatupad upang maibsan daw ang inaasahang pagbigat ng daloy ng trapiko kapag nagsimula na ang malawakang pagkukumpuni sa kahabaan ng EDSA.
Ayon kay DOTr Sec. Vince Dizon, ipapatupad ang libreng toll gate sa Skyway Stage 3 kapag opisyal ng nagsimula ang naturang rehabilitasyon.
"Yung segment lang kung saan ide-detour yung mga sasakyan na hindi na nila kailangan dumaan ng EDSA, aakyat na lang sila sa skyways. Ifa-finalize natin ‘yan in the coming weeks or months pero kapag nagsimula na yung kasagsagan ng construction, maybe sometime in July or August ayan maglilibre na tayo ng mga toll," saad ni Dizon.
Ang Skyway Stage 3 ay bumabagtas sa kahabaan ng Buendia, Makati hanggang Balintawak, Quezon City na siyang nag-uugnay hanggang NLEX.
Ikakasa na na rin daw ang "odd-even scheme" kung saan iginiit ng MMDA na tinatayang nasa 40% daw ng trapik ang naiibsan.
"We're doing this because with this scheme, a 40% reduction in vehicles on EDSA is expected," ani MMDA Chairman Rolando Artes.
Sa ilalim ng 24/7 odd-even scheme, ipinagbabawal ang pagdaan ng mga sasakyang nagtatapos sa plakang:
(1,3,5,7,9) na dumaan sa EDSA mula Lunes, Miyerkules at Biyernes.
Habang (0,2,4,6,8) naman ang bawal dumaan sa EDSA tuwing Martes, Huwebes at Sabado.
Paglilinaw pa ng MMDA, hindi ipapatupad ang odd-even scheme tuwing Linggo.
Samantala, magdadagdag din ng iba pang serbisyo ang DOTr para sa publiko katulad na lamang ng karagdagang mga bilang ng EDSA carousel sa eksklusibong EDSA bus way at mga bagong bagon sa MRT-3.
Ayon sa Department of Public Works and Highways (DPWH), magsisimula ang EDSA rehabilitation sa Hunyo 13 na inaasahang magtatagal hanggang sa 2027.